Posible umanong magkaroon ng isa pang terrorist attack sa Afghanistan sa loob ng 24 hanggang 36 na oras.
Ayon kay US President Joe Biden, ito raw ang ibinabala ng kanilang mga commanders kasunod ng pakikipagpulong nito sa national security advisors at commanders na nasa field.
Ayon sa US president, ang sitwasyon daw ngayon sa Afghanistan ay patuloy na nagiging “extremely dangerous” at mataas pa rin ang posibilidad na masundan ang unang ISIS-K suicide bomb attack na nagresulta sa pagkamatay ng 13 US troops at 170 na iba pa sa labas ng Kabul International Airport.
“The situation on the ground continues to be extremely dangerous, and the threat of terrorist attacks on the airport remains high. Our commanders informed me that an attack is highly likely in the next 24-36 hours,” ani Biden.
Dahil dito, inalerto na ni Biden ang tropa ng Estado Unidos na gumawa na ng hakbang para sa kapakanan at proteksiyon ng US force.
Ipinag-utos na rin umano niyang siguruhing mayroong sapat na resources at plano ang kanilang tropa para maprotektahan ang kanilang mga kasamahang nasa ground.
Kung maalala noong Huwebes nang maglunsad ang ISIS-K suicide bomb attack sa labas ng gate ng Kabul Airport.
Sa ngayon, nasa 117,000 na ang na-evacuate kabilang na ang tinatayang 5,400 Americans.
Ang mass evacuation effort sa mga US citizens ay dahil na rin sa nalalapit nang withdrawal ng US troops sa naturang bansa sa Agosto 31.