Isa na namang mataas na opisyal na Russian military ang napatay sa Ukranian town na Chernobayevka matapos ang inilunsad na artillery strike.
Inanunsiyo ng Ukraine General Staff of the Armed Forces na napatay nila si Lieutenant General Andrei Mordvichev, ang commander ng 8th Combined Arms Army ng Southern Military District ng Russian Armed Forces.
Ang pagkakapatay sa naturang lieutenant general ay hindi naman kinumpirma ng Russia.
Una rito, pinalutang din sa Ukraine ang pagkakapatay sa apat pang Russian generals.
Kinabibilangan daw ng isang Maj. Gen. Oleg Mityaev, na siyang commander ng 150th Motor Rifle Division na nasawi sa coastal city Mariupol, gayundin sina Maj. Gens. Vitaly Gerasimov, Andrei Kolesnikov at Andrei Sukhovetsky.
Ang naturang report ay hanggang sa ngayon ay hindi pa kinukumpirma ng Russian government at ng U.S. Department of Defense.
Samantala, sa ulat pa ng Ukraine military, hindi pa rin daw makausad ng husto sa war frontlines ang Russian troops sa nakalipas na 24 oras.
Habang ang tropa ng Ukraine ay nagawang bombahin ang ilang columns ng Russian military personnel sa bahagi ng Mykolaiv at Sumy regions.