LEGAZPI CITY – Nilalapatan pa ng lunas ngayon sa pagamutan dahil sa mga tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang nasa 19 katao.
Ito ay matapos ang banggaan ng pampasaherong jeepney at Ultra Bus sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Bulabog, West District sa lungsod ng Sorsogon.
Nabatid na minamaneho ni Santiago Yolip Jr., residente ng Brgy. Rizal sa Pasay City, ang bus na may plakang AAI 9132 lulan ang nasa 30 pasahero habang sakay naman ng PUJ na minamaneho ni Noel Mark Laurora na rutang Sorsogon-Castilla ang 17 katao.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Maj. Renato Ibarondo, deputy chief of police ng Sorsogon City PNP, parehong direksyon ang tinatahak ng dalawang sasakyan subalit pagdating sa lugar na pinangyarihan ng aksidente, pansamantalang tumigil ang jeep upang magbaba ng pasahero.
Dumire-diretso naman sa pagpapatakbo ang bus na dahilan upang mabangga sa likurang bahagi ang jeep.
Dalawa sa mga pasahero ng bus ang nagtamo ng minor injury habang sugatan ang mismong jeepney driver at 17 nitong pasahero na agad dinala sa ospital.
Subalit isa sa mga ito ang tuluyan nang binawian ng buhay na kinilalang si Judy Ann Belmonte, 48.
Sa ngayon, hawak na rin ng pulisya ang driver ng bus upang mapanagot sa nangyari.