DAVAO CITY – Isa ang patay habang tatlo ang nasa kritikal ang kondisyon matapos ang nangyaring karambola ng tatlong mga sasakyan sa Sinaragan Bridge, National Road, Barangay Sinaragan, Matanao, Davao del Sur.
Nakilalala ang namatay na si Joel Pulvera Coma, 48, residente ng Christian Village, Digos City habang sugatan ang asawa nito na si Geraldine Coma, 37, at dalawa nilang mga minor de edad na anak.
Sa imbestigasyon ng kapulisan, nasasangkot sa nasabing aksidente ang tatlong mga sasaksayan na kinabibilangan ng isang Toyota Fortuner, isang Suzuki Ertiga at isang multicab na sinasakyan ng pamilyang Coma.
Sinasabing nawalan ng kontrol ang Toyota fortuner na minamaneho ni Mohammad Jameel Salasal Ibrahim, 26, residente ng HK Doton St., Poblacion 3, Cotabato City kung saan sakay nito ang tatlong mga pasahero na papuntang Digos City.
Dahil umano sa dulas ng kalsada, nawalan ng kontrol ang driver at pumunta sa kabilang lane.
Nabangga nito ang Suzuki Ertiga na minaneho naman ng isang Teofilo Guilot Bulawan, 67, residente ng Kidapawan City na nagresulta sa grabeng pagkasira nito.
Habang nakasunod naman sa Suzuki ang multicab ng pamilyang Coma kung saan hindi na nakontrola pa ng driver ang manibela ng sasakyan at bumangga ito sa likod ng Toyota Fortuner.
Dahil sa lakas ng impact, naipit ang multicab na siyang dahilan ng pagkamatay ni Joel at pagkasugat ng asawa at dalawang mga anak nito.
Patuloy pa ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing aksidente.