CAUAYAN CITY- Patay ang tsuper ng motorsiklo habang tatlo pa ang nasugatan matapos bumangga sa isang kulong-kulong sa National Higway na nasasakupan ng barangay Rang-ayan, Ilagan City.
Ang kulong-kulong ay minamaneho ni Balbino Telan, 65 anyos, may asawa, magsasaka, residente ng Batong Labang, Ilagan City habang ang tsuper ng isang motorsiklo ay si Johnny Ramonam, 37 anyos, may asawa, construction worker at residente ng Barangay Fuyo, Ilagan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa City of Ilagan Police Station, binabaybay ng kulong kulong na minamaneho ni Telan ang lansangan patungong silangang direksiyon habang nasa kasalungat naman na direksyon ang motorsiklo.
Bigla umanong nawalan ng kontrol sa minamanehong kulong kulong ang tsuper nito dahilan upang umagaw sa linya ng kanyang kasalubong na motorsiklo na nagresulta banggaan.
Nagtamo ng malalang injury sa katawan ang tsuper ng motorsiklo at idineklarang dead on arrival sa pagamutan.
nagtamo din ng matinding injury sa katawan ang tsuper ng kulong kulong at back rider nito na kinilalang si Gabby Telan, 26 anyos na taong gulang at residente ng Batong Labang, Lunsod ng Ilagan at isang menor de edad.