Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) Southern Tagalog na isang pasahero ang kumpirmadong patay sa paglubog ng motorbanca na MB Sto. Nino sa Simara Island sa Corcuera sa lalawigan ng Romblon.
Ayon naman kay Corcuera Mayor Elmer Fruelda, ang nasawi ay isang babae na barangay treasurer.
Ang dahilan ng kamatayan ng 55 anyos na biktima ay dahil sa cardiac arrest base sa attending physician.
Base sa impormasyon mula sa isa sa mga pasahero, sinabi ni Corcuera Mayor Fruelda na posibleng nagtamo rin ng head injury ang biktima.
Nagtamo rin ng minor injuries ang dalawang menor de edad at 23 anyos na pasahero ayon sa PCG.
Ayon naman kay PCG Southern Tagalog Dist. Commander Geronimo Tuvilla, nailigtas ang nasa 95 iba pa kabilang dito ang limang crew.
Sa kabuuan, mayroong 95 na sakay ang motorbanca kung saan 90 dito ay pasahero kabilang ang 10 bata at 5 crew members.
Mayroon ding lulan na isang motorsiklo ang naturang motorbanca.
Una rito, naglalayag ang naturang motorbanca papunta sa port ng Corcuera mula sa Calatrava port nang mangyari ang trahediya.
Ayon naman sa PCG, awtorisado ang motorbanca na magkarga ng 96 katao at umalis mula sa Calatrava port nang maayos ang lagay ng panahon at kondisyon sa dagat.
Paliwanag naman ng kapitan ng motorbanca na tinamaan ng matigas na kahoy ang port side nito kayat nabutas at doon na nagsimulang pumasok ang tubig.