CAUAYAN CITY – Isa ang nasawi habang dalawa ang nasugatan kabilang ang barangay kapitan ng Dabburab, Cauayan City sa pamamaril sa kanila kagabi ng riding in tandem sa Purok 4, San Francisco, Cauayan City.
Ang nasawi ay si Marlon Quijano, 41-anyos, residente ng San Fransisco Cauayan City habang ang mga nasugatan ay sina Barangay Kapitan Joseph Benigno, 53-anyos at Elpidio Camungao Jr., 47-anyos, magsasaka at residente ng San Fransisco, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Heherson Miranda Jr. ng barangay San Francisco, sinabi niya na 8:30 kagabi nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga residente kaya pumunta ang mga barangay tanod sa naturang lugar.
Nakumpirma na ang mga biktima ay sina Barangay Kapitan Benigno kasama sina Quijano at Camungao.
Galing ang mga biktima sa Rizaluna, Alicia, Isabela dahil nagbenta sila ng aning palay at sila ay pauwi na sakay ng dalawang motorsiklo nang sila ay sundan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek na sakay ng motorsiklo sa Barangay San Fransisco.
Agad namang nadala sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival si Quijano dahil sa mga tinamong tama ng bala ng baril.
Sa naging exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Merlita Pajarillo, sinabi niya na dinala na sa magkahiwalay na pagamutan ang mga biktima.
Si Barangay Kapitan Benigno ay dinala sa Dr. Esther Garcia Hospital at nakatakda sanang operahan ngunit walang sapat na dugo kaya kinailangang magtungo sa Santiago City upang makakuha ng suplay.
Aniya, mabait at matulungin si Barangay Kapitan Benigno na huling termino na niya ngayong taon bilang barangay Kapitan at kumandidatong barangay kagawad sa nalalapit na halalan.
Umaasa sila na gagaling si Barangay Kapitan Benigno at ang isa niyang kasama na nakatakda ring operaha.