-- Advertisements --

NAGA CITY-Binawian ng buhay ang isang indibidwal habang sugatan naman ang isa pa sa insidente ng pamamaril sa Sariaya, Quezon.

Kinilala ang namatay na biktima na si Emmerson Coronel Roño, 42 anyos, residente ng Brgy. Manggalang 1 ng nabanggit na bayan, habang kinilala naman ang sugatan na biktima na si Pryan Caiisip Buela, 42 anyos, residente ng Sitio Ilang-Ilang Brgy Bignay 2 ng kaparehong bayan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nakakuha aniya ng tawag ang Sariaya Municipal Police Station na may nangyaring insidente ng pamamaril sa Sitio Ilang-Ilang Brgy. Bignay 2.

Kaagad naman na nagtungo ang personnel ng nabanggit na istasyon sa Brgy. Bignay 2 upang imbestigahan ang insidente.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, alas-11:30 aniya ng gabi habang tumatambay ang dalawang biktima sa isang tindahan, nang dumating ang hindi pa nakikilalang suspek at sa hindi pa nalalamang rason, bigla na lang pinagbabaril ang mga biktima na kaagad kinamatay ni Roño habang sugatan naman dahil dito si Buela.

Kaagad naman na dinala si Buela sa isang ospital para sa tulong medikal habang tumakas naman ang suspek sa hindi pa nalalamang direksyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nabanggit na insidente.