CAGAYAN DE ORO CITY – Mahigit sa 50 empty shells ng M16 rifle ang narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOC0) sa National Highway, Poblacion, Libertad, Misamis Oriental.
Ito ay matapos nangyari ang pamamaril sa pagitan ng mga personahe ng Libertad Police Station at mga armadong grupo habang nagpapatupad ng isang checkpoint kagabi.
Dead on arrival sa bahay pagamutan si S/Sgt. Ronald “Boboy” Caayupan matapos inakbayan ng isa sa mga suspek, tinutukan ng .45 na kalibre ng armas at binaril sa dibdib.
Napatay naman ng mga operatiba ang drayber ng sinasakyang Mitsubishi Mirage white ng mga suspek na hanggang ngayon ay hindi pa nakikilala.
Sugatan naman sa engkwentro ang kasamahan ni Caayupan na si Chief M/Sgt. Maestrado na patuloy pang ginagamot sa hospital.
Matapos sa nangyaring pamamaril, biglang tumakas at tumalon sa tulay ang tatlo pang mga suspek.
Una nang sinabi ni Misamis Oriental Board Member Dexter Yasay na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may itinatagong mga high powered firearms at granada sa sasakyan ang mga suspek kung kaya’t kanila itong hinarang.