Nasawi ang isang tao sa Equador matapos ang malalaking alon na umaabot sa apat na metro ang taas na nagdulot naman ng malawakang pagkaabala sa mga baybayin ng Peru na siyang nagresulta sa pagsasara ng maraming mga dalampasigan at pantalan sa bansa.
Ang insidente ay nangyari sa baybaying lungsod ng Manta, kung saan natagpuan ng Manta Fire Department ang katawan ng isang nawawalang tao sa sektor ng Barbasquillo bandang 6:00 a.m, lokal na oras sa Equador.
Sa Peru, nilubog ng mga alon ang mga pantalan at pampublikong plaza, habang ang mga residente naman ay nagtungo sa mas mataas na lugar. Ayon sa mga ulat napilitang isara ng gobyerno ang 91 sa 121 nitong mga pantalan, na mananatiling sarado hanggang Enero 1. Pinasara rin ng munisipalidad ng Callao, malapit sa Lima, ang ilang mga dalampasigan at ipinagbawal ang mga tourist at fishing boat na maglayag.
Samantala ang mga hindi pangkaraniwang malalaking alon ay dulot ng patuloy na hangin mula sa baybayin ng Estados Unidos, na naglakbay ng libu-libong kilometro papunta sa mga baybayin ng Peru at Ecuador.
Malaki ang naging epekto ng mga alon sa maliliit na bangkang pangisda at mga negosyo sa tabing-dagat, at marami rin sa mga lugar ang nakaranas ng malubhang pinsala dulot ng malalakas na alon. Patuloy na nag-iisyu ng mga babala ang mga lokal na awtoridad upang iwasan ang mga baybayin.