NAGA CITY – Kinumpirma ngayon ng 9th Infantry Division, Philippine Army na kasama sa dalawang napatay sa engkwentro nitong Lunes sa Lupi, Camarines Sur ay isa sa mga lider ng rebeldeng New People’s Army (NPA).
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Division of Public Affairs Office (DPAO), kinilala ang mga namatay na sina Roni Abellada Boncolmo alyas Jake, 45, mula sa Barangay Patalunan, Ragay at tumatayo bilang commanding officer ng Komite Seksyon sa Platoon 1 ng Larangan 2, Komiteng Probinsya 1 ng Bicol Regional Party Committee (BRPC) habang ang isa naman ay si Ka Oris o Ka Cris.
Sa ngayon, wala pang aniya kumukuhang pamilya sa naturang mga bangkay kung kaya nananatili mula ang mga ito sa isang punerarya sa bayan ng Sipocot.
Kung maaalala, pasado alas-12:30 nitong Lunes nang makasagupa ng tropa ng gobyerno ang tinatayang nasa 15 miyembro ng mga rebeldeng group sa Barangay San Vicente.
Tumagal ng halos 30 minutong palitan ng putok bago tumakas ang mga rebelde at naiwan sa lugar ang naturang mga bangkay at ang pitong high powered firearms.