Nananatiling at large o nagtatago ang isa pa mula sa 4 na convicted sa serious illegal detention case na inihain ng TV host na si Vhong Navarro ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ito ay si Ferdinand Guerrero na isa sa mga sangkot sa pambubugbog kay Navarro.
Ayon kay Taguig police chief Col. Christopher Olazo, nag-dispatch na sila ng tracker team para isilbi ang warrant of arrest sa huling address nito sa lungsod ng Makati subalit hind ito natagpuan sa naturang lugar kayat patuloy pa rin itong pinaghahanap sa ngayon.
Una rito, nitong huwebes, hinatulang guilty ng Taguig Regional Trial Court sina Cedric Lee, Deniece Cornejo, Simeon Raz, at Ferdinand Guerrero sa kasong serious illegal detention.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad sina Lee, Cornejo at Raz.
Matatandaan na inakusahan ni Navarro sina Lee ng pagkulong sa kaniya noong gabi ng Enero 22, 2014 sa isang condominium unit sa Taguig city kung saan pinagtulungan siyang bugbugin nina Lee at mga kasama nito at umano’y pinagbantaang papatayin siya. Nagbunsod ito sa rape allegation ni Cornejo laban kay Navarro na ginamit na katwiran ni Lee para bugbugin si Navarro.