-- Advertisements --
SAF 44 PNP MAMASAPANO

Kinumpirma ng opisyal ng infantry units ng Philippine Army na napatay sa mga operasyon ng pwersa ng gobyerno sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao ang isa sa mga suspek sa Mamasapano massacre na ikinasawi ng 44 Police Special Action Force o SAF 44 noong 2015.

Ayon kay Lt. Colonel Michael Glenn Manansala, commander ng 6th Infantry Battalion, na nakatakda sanang isilbi ng isang pangkat ng mga operatiba ng pulisya at Army ang warrant of arrest laban kay Bansir Samaon nang manlaban ito kung saan pinaputukan nito ang pwersa ng gobyerno gamit ang kanyang baril na caliber .45 pistol dakong tanghal noong araw ng Biyernes.

Ipinagtanggol lamang aniya ng mga sundalo ang kanilang sarili nang magpaputok ang suspek ng kanyang pistol.

Si Samaon, na kilala rin bilang “Malang” at “Bungo,” ay miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), isang ipinagbabawal na grupo na nangangako ng katapatan sa ISIS.

Isa ring bomb courier ng BIFF si Samaon.

Agad na kinuha ng mga kaanak ni Samaon ang kanyang bangkay mula sa lokal na tanggapan ng pulisya at inilibing ito ayon sa Islamic rites.

Ang SAF 44 ay tumutukoy sa 44 na miyembro ng elite police ng Special Action Force (SAF) na napatay sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao sa isang maling operasyon ng pulisya laban sa isang Malaysian bomb maker noong Enero 25, 2015.

Ang PNP-SAF ay bahagi ng pwersa ng estado na inatasang arestuhin ang Malaysian bomb expert na si Zulkifli Bin Hir, alias Marwan, na nasa wanted list ng US government.

Matapos mapatay si Marwan, nakipagsagupaan ang Moro gunmen, kapwa mula sa BIFF at Moro Islamic Liberation Front (MILF) laban sa mga SAF commandos na ikinasawi ng 44 na pulis, humigit-kumulang 17 Moro gunmen at sibilyan ang nasawi sa 11 oras na matinding bakbakan.

Mula noong Enero 2023, humigit-kumulang 70 miyembro ng BIFF ang sumuko sa Army sa mga lalawigan ng Maguindanao at Cotabato.