Hinatulang makulong ng anim na buwan si Guia Cabactulan, isa sa mga administrators ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Los Angeles Angeles California.
Kasunod ito sa kasong Count 7 ng naunang pagdiin sa kaniya na may kinalaman sa visa fraud.
Ang nasabing hatol ay inilabas ni Judge Terry Hatter Jr ng US District Court, Central Distirct of California.
Inatasan nito na ilagay si Cabactulan sa kustodiya ng Bureau of Prisons para doon gugulin ang anim na buwang pagkakakulong na susundan ng dalawang taon na supervised release.
Isa si Cabactulan na inaresto ng Federal Bureau of Investigation (FBI) noong 2020 sa KOJC headquarters sa Van Nuys, Los Angeles kung saan kasama si Marissa Duenas na naaresto.
Noong Oktubre ng nakaraang taon ng magpasok ng plea agreements si Cabactulan kasama si KOJC official Amanda Estopare sa US Attorney’s Office sa California matapos na aminin ang pagkakasangkot sa visa fraud operations ng KOJC.
Si Estopare ay inaresto ng FBI din noong 2020 sa Virginia kasama si Maria De Leon na isang travel agent na nameke ng mga dokumento ng KOJC members para magkaroon ng legal status.
Inaasahan naman ang hatol nina Duenas at De Leon sa mga susunod na buwan.
Base sa korte mula 2015 hanggang Enero 29, 2020 ng magkakasabwat sina Estopare, Cabactulan at iba pa na memeke ng kasal ng kanilang miyembro na ipinadala ng founder nila na si Pastor Apollo Quiboloy.