KALIBO, Aklan—Nasungkit ng isa sa mga Aklanon warriors ang bronze medal sa 8th Pencak Silat Combative Martial Arts Championship Tournament na ginanap sa Bukhara, Samarakand, Uzbekistan na nagtapos araw ng Miyerkules, Oktobre 16, 2024.
Napasakamay ni Shara Julia David Jizmundo ang nasabing medalya sa final sa Solo Tungal Artistic kung saan, tinalo nito ang mga magagaling na national player ng Singapore na laging tangay-tangay ang gold medal sa kahit saan mang tournament.
Ayon kay Freddie Jizmundo Sr., coach sa Philippine Lightning Speed – Pencak Silat Aklan, ikinatuwa ng Philippine Sports Commision ang panibagong tagumpay para sa Pilipinas kung saan, suportado nito ang mga atleta sa pamamagitan ng pinansyal.
Ang nasabing laro ay nakakatulong sa personal growth, mental, physical, emotional at pinansiyal na aspeto ng mga kabataan.
Maliban kay Jizmundo ay kasali rin sa Aklanon warriors na kumatawan sa bansa sina Zandro Fred Jizmundo Jr. at Hannah Mae Ibutnande.
Si Coach Jizmundo ay halos 51 taon nang nagtuturo ng combative sports gaya ng taekwondo, karate, sikaran, at pencack silat na naging malaking bahagi ng kaniyang buhay.
Ang Pencak Silat ay isang martial arts artistic na nagmula pa sa bansang Indonesia.