LAOAG CITY – Naaresto ang isa sa mga high-ranking leader ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF) na si Simeon “Filiw” Naogsan, 70 anyos, may asawa, residente ng Barangay Tonglayan, Natonin, Mt. Province sa Brgy. 1, Sta. Rita sa bayan ng Bacarra dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Sa ngayon ay nakikipagtulungan ang Intelligence Unit sa iba’t ibang ahensya upang malaman ang rason ng presensya ni Naogsan sa lalawigan.
Ipinaalam ni P/Maj. Jephree Taccad, Chief Provincial Operations Management Unit ng Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO), mayroong 15 warrant of arrest na kinakaharap si Naogsan, 14 dito ay mula sa Mountain Province at ang isa naman ay sa Ilocos Sur.
Sa inisyal na impormasyon, walang naarestong kasama si Naogsan ngunit nais nilang malaman kung sino ang mga posibleng kasabwat nito dito sa lalawigan.
Sinabi ni P/Maj. Taccad, ang naarestong miyembro ng makakaliwang grupo na si Naogsan ay nagsisilbi ring communist terrorist leader ng Ilocos – Cordillera Region at may 7 counts of murder, isa mula sa Ilocos Sur at ang iba ay mula sa Mt. Province.
Kaugnay nito, hindi nila maaaring ibunyag ang kasalukuyang kinaroroonan ni Naogsan para sa kanyang sariling seguridad dahil na rin sa mga mabibigat na kasong kinakaharap niya.
Samantala, sumailalim na rin si Naogsan sa physical at medical examination habang ginanap sa Bacarra Municipal Police Station ang mugshot at dokumentasyon at mai-turn over sa korte na pinagmulan nito.