-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nagpositibo sa dengue ang isa sa mga manlalaro ng football team ng rehiyon uno ilang araw bago ang pormal na pagbubukas ng Palarong Pambansa 2023.

Ayon kay Mr. Elcie Vetog, Coach ng football team ng rehiyon uno, dumating ang nasabing atleta sa lugar na hindi maganda ang pakiramdam hanggang ito ay nilagnat at isinugod sa ospital at dito na nakumpirma na positibo ito sa sakit na dengue.

Sa ngayon, hindi pa tukoy kung saan nakuha ng manlalaro ang sakit na dengue.

Dahil dito, hindi aniya makakaila na malaking kawalan ang atleta dahil itinuturing itong haligi at naghahatid ng matibay na pwersa sa koponan.

Gayunpaman, sinabi niya na nakalabas na sa pagamutan ang manlalaro at patuloy ang kanyang pagrekobre.

Hinggil dito, umaasa ang football coach ng rehiyon uno na makakasali na ang nasabing atleta sa mga susunod na laro.

Kaugnay nito, umaasa naman si Mr. Gio Patrick Aspejo, Center Forward ng koponan na magiging maganda na ang lagay ng panahon.

Samantala, magsisimula ang unang laro ng koponan bukas, Agosto 1 sa oras ng alas syete ng umaga sa Ateneo football field sa Ateneo de Manila kontra sa Mindanao 2.