-- Advertisements --

CEBU CITY — Iginiit ng isa sa mga nakaligtas sa nasunog sa Lite Ferry 16 na hindi umano agad rumesponde ang mga taga-Philippine Coast Guard (PCG) ilang oras nang sumiklab ito sa karagatan ng Dapitan City, Zamboanga Del Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa isa sa mga survivors na si Fred Castro, sinabi nito na wala silang nakikitang kawani at vessel na mula sa Coast Guard nang mangyari ang naturang insidente.

Ayon kay Castro na sinabihan umano sila ng mga tauhan mula sa dumaang barko na iligtas agad ang sarili at wag na umanong hintayin ang Coast Guard.

Dagdag pa ni Castro na rumesponde umano ang ilang mga pulis mula sa PNP sa Dapitan City na sakay ng isang pribadong barko.

Dumepensa naman ang PCG-7 sa naturang akusasyon kung saan nagsagawa naman ang Dapitan Coast Guard ng rescue operations, base sa kanilang pakikipag-usap.

Ayon sa tagapagsalita nito na si Lieutenant Junior Grade Michael John Encina na ginawa naman ng Coast Guard ang kanilang responsibilidad kasama na ang pakikipag-ugnayan nito sa mga shipping companies sa isinagawang rescue operations.