-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nai-turn over na sa kustodiya ng Camp Simeon Ola sa lungsod ng Legazpi ang isa mga suspek sa P30 million robbery incident sa Barangay Kapitolyo, Pasig City matapos na sumuko sa Bise Alkalde ng Bulusan, Sorsogon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Vice Mayor Reuel Fortades, personal na pumunta sa kanyang opisina si Ruwel Galang, 36 anyos at inihayag na wala umano siyang kinalaman sa nangyaring pagnanakaw sa isang Japanese national kung saan suspek ang walong katao kabilang ang apat na Taguig police.

Base sa testimonya ng suspek, nirentahan umano ng matagal niya ng kustomer na si Staff Sgt. Jayson Bartolome ang kanyang sasakyan at nagpapahatid lamang sa Pasig para sa pagsisilbi ng arrest warrant sa isang drug suspect.

Subalit nagulat na lamang siya ng habolin na ang kanilang grupo ng ibang mga pulis at may tama na ng bala si Bartolome.

Dahil sa pangamba sa kanyang seguridad at sa mga natatanggap na death threat ay nagdesisyon itong umuwi sa mga kaanak sa Sorsogon hanggang sa sumuko sa opisyal.

Sa ngayon iniimbestigahan na ng PNP ang bersyon ng testimonya ng suspek habang naidala na rin ito sa ospital matapos na apat na araw ng di makapag-dialysis sa iniindang sakit.