ILOILO CITY – Natuklasan na nahaharap sa patong-patong na kaso ang isa sa mga suspek sa pagmassacre sa apat na magkakamag-anak sa Gardenville Subdivision, Brgy. Tangub, Bacolod City.
Ang suspek ay si Christian Don Tulot, tubong Guimaras ngunit kalaunan lumipat sa Purok 1, Pavia Iloilo at nakapag-asawa sa Barangay Malangabang, Concepcion, Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Barangay Kagawad Monico Lozada ng Purok 1, Pavia Iloilo, sinabi nito na si Tulot ay may kasong reckless imprudence resulting to damage to property at unjust vexation.
Maliban dito, nahuli rin dati si Tulot matapos nagtangkang pumuslit pauwi sa Iloilo mula sa Bacolod City na walang kaukulang dokumento sa kasagasagan ng mahigpit na pagpapatupad ng quarantine restrictions.