CEBU – Personal na bumisita sa himpilan ng Bombo Radyo Cebu si Noela Veñan, na isa sa itinuturong suspek sa nangyaring sunog sa Barangay Punta Princesa sa Cebu na lumamon sa limang sitio at naka-apekto sa 819 pamilya, upang linisin ang kanyang pangalan na nasangkot sa nangyaring insidente.
Sa ating naging panayam kay Veñan, dinepensahan nito na hindi niya makakayang gawin ang magsunog ng ibang bahay lalong lalo nat alam niyang madadamay pati bahay nila.
Ibinunyag rin nito na nagkaroon ng raid sa kanilang lugar kung saan napasali sa nadakip ang kanyang nakatatandang kapatid na kinakasama ni Marilou Alfeche alyas “Marimar” , unang suspek sa sunog.
Pero nang puntahan niya ito para magpatulong piyansahan ang kanyang kapatid ay binuhusan sila nito ng pinaghugasan na may ihi at hindi na niya inasahan na may plano pala itong sunogin ang mismong bahay.
Nanawagan ito na pakinggan ang kanyang side at huwag syang husgahan nang agaran.