Inaresto ng mga pulis sa Argentina ang isa sa 2 kalalakihan na inakusang nagsusuplay ng droga sa dating miyembro ng sikat na bandang One Direction (1D) na si Liam Payne bago siya pumanaw matapos mahulog mula sa ikatlong palapag ng kaniyang hotel room sa Buenos Aires noong Oktubre 16, 2024.
Natukoy ang naturang indibidwal na si Braian Paiz, isa sa 5 defendants na na-indict may kinalaman sa pagkamatay ni Payne.
Nauna na ngang kinasuhan ang 3 sa 5 defendants ng manslaughter at ang 2 iba pa ay idinemanda dahil sa pagsusuplay ng iligal na droga ayon sa prosecutors na may hawak sa kaso.
Ayon sa Prosecutors, nakakonsumo ng cocaine ang British singer, gayundin ng alcohol at prescription antidepressant bago mahulog mula sa balcony ng kaniyang kwarto sa Casa Sur Hotel.
Ang 24 anyos naman na si Paiz ay inakusahang nagsuplay ng mga droga kay Payne 2 araw bago siya pumanaw. Ginalugad din ng kapulisan ang bahay ng naturang drug supplier. Subalit sa isang panayam sa kaniya noong Nobiyembre, itinanggi niya ang naturang paratang bagamat inamin niyang nakipagkita siya kay Liam at nakasama niya sa kaniyang hotel.
Itinanggi din ni Paiz na tumanggap siya ng pera para sa mga sinuplay niyang droga, subalit sinabi ng judge sa nasabing kaso na lumalabas sa nakalap na ebidensiya na binayaran siya sa pagsusuplay ng iligal na droga.