Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang Chinese hacker na umano’y nagsisilbi rin bilang isa sa mga big boss ng Lucky South 99, ang umano’y operator ng POGO hub sa Porac, Pampanga.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang suspek bilang si Lin Qiude, 40 anyos, at naaresto sa Poro Point Freeport sa San Fernando, La Union.
Una na ring nakipag-ugnayan ang BI sa Chinese police at kinumpirma nilang wanted si Lin sa China dahil sa iba’t-ibang kaso ng panloloko.
Mayroon na rin umano siyang arrest warrant mula sa China.
Naniniwala ang mga otoridad na si Lin ay hindi lamang nambibiktima dito sa Pilipinas kungdi maging sa iba pang bahagi ng mundo, katulad ng US, Middle East, at Europe.
Maliban sa BI, kasama rin ang Presidential Anti-Organized Crime Commission, Philippine National Police, at Armed Forces of the Philippines sa tracking at tuluyang pag-aresto sa suspek.