Iniharap ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa mga mamamahayag ang umano’y isa sa mga recruiter nang pinatay na Pinay overseas worker sa Kuwait na si Joanna Demafelis.
Kinilala ni PNP-CIDG Director Roel Ubusan ang sinasabing recruiter na si Agnes Tuballes na umano’y konektado sa Our Lady Of Mt. Carmel Global E-Human Resources Inc., na siyang nag-deploy kay Demafelis sa Kuwait.
Itinanggi naman ni Tuballes na siya ang recruiter ng OFW, at sinabing ni-refer niya lang ito sa nasabing recruitment agency.
Batay sa salaysay ng sumuko sa biglaang press conference sa Camp Crame, dati raw siyang empleyada ng recruitment firm pero wala na umano siya roon at nagtatrabaho na rin sa Hong-Kong bilang OFW nang ni-refer niya si Joanna.
Sinabi ni Tuballes sumuko siya sa mga otoridad para linisin ang kaniyang pangalan, kasabay nang pagtanggi nito na siya ang nagproseso sa mga papeles ni Joanna.
Kuwento nito, naaapektuhan na umano ang kanyang pamilya matapos na lumabas ang kanyang larawan.