CAUAYAN CITY – Isa ang nasugatan sa banggaan ng tricycle at motorsiklo sa San Vicente, Jones, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Rodel Vicente, Deputy Chief of Police ng Jones Police Station, sinabi niya na ang tsuper ng tricycle ay si Roldan Juan habang ang motorsiklo ay minamaneho ni Leonard Reyes.
Batay sa pagsisiyasata ng pulisya, patungo sa Centro ng bayan ng Jones ang tricycle habang patungo naman sa Barangay Diarao ang motorsiklo nang makarating sa pakurbadang bahagi ng daan sa barangay San Vicente ay umagaw umano ng linya si Reyes.
Nagtamo ng sugat sa ulo si Reyes na agad dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Napag-alaman na nasa impluwensya ng alak si Reyes nang maganap ang aksidente at wala ring suot na helmet.
Isang accident prone area ang pinangyarihan ng aksidente at ayon kay PCapt. Vicente, walang pagkukulang ang pulisya dahil may mga paalala naman sa lugar.
Pamilyar na rin aniya ang mga residente sa naturang lugar kaya pagdating sa pakurbadang bahagi ng daan ay nagiging alalay na lamang ang patakbo ng mga motorista maliban sa ilang reckless drivers.
Bilang tugon naman ng pulisya sa mga nagaganap na aksidente sa lansangan ay nagsasagawa sila ng information drive partikular sa mga paaralan kaugnay sa wasto at ligtas na pagmamaneho.