Pumirma na ng contract extension si restricted free agent forward Isaac Okoro, daan upang manatili siya sa kanyang koponan – Cleveland Cavaliers.
Ang kontrata ni Okoro ay magtatagal ng tatlong taonat nagkakahalaga ng $38 million.
Ang 23 anyos ay nagsisilbing ‘best perimeter defender’ ng Cavs sa mga nakalipas na season kung saan malimit siyang magsilbing bantay sa mga top scorer ng makakalabang koponan.
Nitong nakalipas na season, nagawa niyang itala ang 9.4 ppg at 3.0 rpg sa loob ng 69 games na kanyang paglalaro sa Cavs. Sa loob ng 42 games sa nakalipas na season, siya ay kabilang sa first-five.
Isa si Okoro sa mga inalok ng Cavs ng malaking kontrata nitong offseason upang tuloy-tuloy na maglaro sa koponan. Kasama niya sina Donovan Mitchell na pumirma ng $150 million para sa tatlong taon, Evan Mobley na pumirma ng $224 million para sa limang taong extension, at Jarret Allen na pumirma ng $91 million, 3-yr contract extension.
Nitong nakalipas na season, nagawa ng Cavs na pumasok sa playoffs at tinalo ang Orlando Magic sa unang round. Gayonpaman, tuluyan din itong natalo sa Boston Celtics na kinalaunan ay tinanghal bilang champion.