-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Kinansela ni Governor Rodolfo “Rodito” Albano III ang klase bukas, Nobyembre 15, sa lahat ng lebel, mula kindergarten hanggang college sa public at private schools sa Isabela.

Maging sa pasok sa mga opisina sa public at private ay kinansela ni Gov. Albano bilang bahagi ng precautionary measures o paghahanda at pag-iingat sa posibleng magiging epekto ng inaasahang pagtama sa Isabela ng bagyong Ramon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano sila lang sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) para tutukan ang pag-monitor sa inaasahang pagtama sa Isabela ng bagyo sa araw ng Linggo.

Sinabi pa ni Albano na pinagbawalan din niyang umalis ang mga mayor sa kanilang mga bayan at siyudad dahil kailangan nilang tutukan ang mga kaganapan sa kanilang lugar.

Ang mga nakaalis na ay kailangang magtalaga ng officer-in-charge na hindi aalis sa kanilang nasasakupang lugar para masubaybayan ang mga pangyayari sa kanilang lugar sa panahon na may bagyo.

Ipinalala rin ni Albano ang ordinansa na nagbabawal ng pagbebenta at pag-inom ng alak tuwing may bagyo.

Samantala, ipinatutupad na ang no sail no fishing policy sa 4 coastal towns ng Isabela para maiwasan ang panganib na dulot ng bagyo.