CAUAYAN CITY – Naitala sa Isabela ang pinakamataas na 40.3% maximum air temperature sa buong bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Ramil Tuppil, Chief Meteorologist ng PAG-ASA- DOST-Echague na nakapagtala sila ng pinakamataas na temperatura ganap na 3:30pm na umabot ng 40.3% maximum air temperature sa Echague, Isabela.
Ang naitala namang heat index ay umabot ng 43%.
Ang sanhi anya ng matinding init at maalinsangang lagay ng panahon ay dahil wala pang nararanasang pag-ulan.
Sinabi pa ni Ginoong Tuppil na noong mga nakalipas na mga taon ay ang Tuguegarao City sa Cagayan ang nagtatala ng pinakamataas ng temperatura sa buong Pilipinas na umabot ng 42.4 %.
Dito naman sa Isabela ay hindi nagbabago ang mataas na temperatura at may mga taon talaga na umaabot sa mahigit 40% ang naitatala, tulad na lamang noong nakaraang taon na umabot n ng 41.2 %.
Ang pinakamataas naman sa heat index ay nangyayari sa Dagupan City station pero ang heat index ay naitala sa Isabela State University-Echague ang pinakamataas umabot sa 46% na nangyari noong May 9 at 12, 2021.
Dahil sa mainit na panahon ay ipinayo ni Ginoong Tuppil sa publiko na mag-ingat sa mainit na panahon at iwasang ma-exposed sa ilalim ng araw at iwasang magbabad sa araw dahil may masamang epekto ito sa kalusugan lalo na sa matatanda na may mga mahihina ng resistensya sa mainit na panahon.
Sinabi pa ni Ginoong Tuppil na wala pa silang nakikitang kaulapan na magdudulot ng mga pag ulan dahil halos maliwanag ang kalangitan.
Ugaliin ding uminom ng tubig at iwasang magbabad sa araw lalo na sa oras ng 10:00am hanggang 3:00pm para makaiwas sa heat stroke.