Isang bagay na maaaring mga debris mula sa nawawalang Cessna plane ang nakita ng mga residente malapit sa Barangay Sapinit sa Divilacan, Isabela, ayon kay Isabela Provincial Information Office administrative officer Joshua Hapinat.
Ayon kay Hapinat, nagpadala na ng rescue team para i-verify ang nakalap na mga impormasyon.
Nakatanggap umano ng impormasyon si Hapinat bandang alas-6:45 ngayong umaga, na ang mga tao sa layong 25-kilometro malapit sa Ilagan-Divilacan Road ay nagsabing nakakita sila ng isang bagay na maaaring pagkasira ng eroplano sa gilid ng bundok malapit sa Sapinit.
Ang impormasyon ay hindi detalyado ngunit maaaring ito ay isang parte ng nasabing nawawalang eroplano.
Kung matatandaan, sinabi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na isang puting bagay ang nakita sa Barangay Dicaruyan, Divilacan, Isabela sa isinagawang search and rescue operation para sa nawawalang Cessna plane.
Sinabi naman ni PDRRMO head Constante Foronda na ang lugar kung saan nakita ang bagay ay pare-pareho sa mga pahiwatig nila sa posibleng lokasyon ng nawawalang eroplano kabilang ang account ng isang magsasaka, telepono ng pasahero, at isang ulat ng tunog na diumano ay nagmumula sa isang eroplano.
Gayunpaman, hindi pa aniya sigurado kung makakaalis ang mga chopper sa loob ng isang araw dahil sa masamang panahon sa hilagang bahagi ng Sierra Madre.
Una rito, humingi na ng tulong ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Hong Kong Mission Control Center (HKMCC) at Japan Mission Control Center (JAMCC) para sa mga search and rescue operations.