CAUAYAN CITY – Determinado ang pamunuan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na sampahan ng kaso ang isa sa mga team leader ng Isabela Special Motor Action Response Team (ISMART) na nangingikil sa Cabatuan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt. Frances Littaua, public information officer ng IPPO, sinabi niya na isinailalim nila si Senior M/Sgt. Fidel Rey Dugayon sa surveillance matapos na makarating sa kanila ang ilang reklamo kaugnay sa isinasagawa nitong pangingikil.
Aniya, si Dugayon ay isa sa mga matagal ng team leader ng ISMART mula pa ng ito ay mabuo.
Dagdag pa ni Capt. Littaua na modus ni Dugayon na aregluhin ang mga nahuhuli nitong may paglabag sa batas lansangan kasama ang kasabwat nitong si Joel Acosta.
Ayon pa kay Littaua, tanging mga kasapi lamang ng pulisya ang binibigyan ng pahintulot na manghuli ng mga may paglabag sa batas trapiko at hindi umano pinapayagan ng kanilang pamunuan ang sinumang sibilyang manghimasok sa operasyon ng pulisya.
Sa kabila nito, nilinaw ni Capt. Littaua na hindi isinasantabi ng IPPO na bigyan ng pagkakataon si Dugayon na depensahan ang kanyang sarili sa korte gayundin ang posibilidad na siya ay makapagpiyansa.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang magiging disposisyon ng pamunuan ng IPPO partikular na si provincial director Col. Mariano Rodriguez kaugnay sa kinakaharap na kaso ni Dugayon.