CAUAYAN CITY – Gumagawa na ng paraan ang provincial government ng Isabela upang matulungan ang mga magsasakang maapektuhan ng pagpapatupad ng Rice Tarrification Law.
Ito ay dahil sa paniniwalang malaki ang magiging epekto nito sa lalawigan na isa sa rice surplus producer ang pagpapatupad ng nasabing batas.
Dahil dito, hindi umano kakayaning makipagsabayan ng Isabela sa presyo ng mga imported rice na mababa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Administrator Atty. Noel Manuel Lopez sa ngayon ay naghahanap na ang Isabela ng alternative markets upang bumili ng mga local produced rice ng Isabela.
Nauna rito, tiniyak ng pamunuan ng Department of Agriculture (DA) Region 2 at National Food Authority (NFA) Region 2 ang tulong sa mga magsasaka na maapektuhan ng pagpapatupad ng nasabing batas sa isinagawang dayalogo sa amphitheater ng kapitolyo.
Pinangunahan ang dayalogo nina Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA-Region 2 at NFA Regional Director Rocky Valdez.
Sa nasabing dayalogo ay nakiusap si Edillo sa mga magsasaka na magtiwala sa Rice Trarification Law.
Sinabi niya na bubuhusan ng pond ng pamahalaan ang pagsasaka sa bansa sa pamamagitan ng ipagkakaloob na mekanismo at pagsasaliksik.