VIGAN CITY – Dead on arrival ang isang 22-anyos na lalake na nagmaneho ng kanyang motorsiklo dahil sa pagkaka-aksidente nito sa Barangay Suso, Sta. Maria.
Nakilala ang biktima na si Christian Dasugo Aleluia, isang painter at residente ng Barangay Tinaan, Sta. Maria.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Vigan, nagtamo ng malalang sugat sa ulo at naputol ang paa nito na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na tinatahak ng biktima ang timog na direksyon ngunit nang makarating ito sa may bahagi ng Suso bridge ay nasira ang kadena ng kanyang motorsiklo.
Dahil dyan ay hindi na nakontrol ng drayber ang manibela ng kanyang minamanehong sasakyan kung kaya’t bumangga ito sa poste ng solar light na nasa kanang bahagi ng kalsada.
Napag-alaman na walang suot na helmet ang biktima nang mangyari ang aksidente at hinihinalang nakainom ito ng alak.