-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Nahaharap ang isang lalaki sa kasong Frustrated Homicide matapos nitong tagain ang isang 37-anyos na karpintero sa lungsod ng Urdaneta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Lawrence Keith Calub, Chief of Police ng Urdaneta City Police Station, sinabi nito na nangyari ang insidente sa Zone 4 Brgy. Camantiles sa nasabing lungsod kung saan kinilala ang biktima na si Denver Bangayan, 37-anyos, isang karpintero, at ang suspek na si Jophn Evert Cadimas, 32-anyos, at kapwa residente ng parehong lugar.

Aniya na ang insidente ay iniulat sa kanila ng live-in partner ng biktima kung saan lumalabas sa imbestigasyon ng kapulisan na nilapitan ng biktima, kasama ang kanyang pinsan, ang dalawang indibidwal na namumutol ng mga kawayan.

Nang makita ito ng suspek ay nilapitan niya ito at tinanong ang biktima kung bakit hindi man lamang umano ito nagpaalam sa kanya bago ito pumasok ng kanyang compound. Base sa salaysay ng witness, habang tinatanong umano ng suspek ang biktima ay nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo ay akma umanong may kukunin ang suspek sa kanyang bewang at dito na ito naglabas ng bolo.

Sa una ay nasangga pa ng biktima ang pagtaga sa kanya ng suspek, subalit tinamaan naman ang kanyang kaliwang kamay dahilan upang ito ay matumba. Subalit sa halip na tumigil ang suspek ay tinaga niya muli ang biktima sa kanyang leeg.

Saad nito na naawat naman ang suspek ng kasamahan nito na nagbubuhat ng mga naputol ng kawayan at kaagad na itinakbo ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan ng kanyang pinsan na nasa mabuti ng kalagayan ngayon.

Nang sumunod na araw ay isinampa naman ang kaso laban sa suspek na Frustrated Murder, subalit dahil nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa bago nangyari ang insidente ay napagdesisyunan ng korte na ibaba ito sa Frustrated Homicide.

Maliban dito ay narekober din ang itak na ginamit ng suspek na iprinesenta nila sa korte kasama ang medical certificate ng biktima mula sa hospital na nagpapatunay na ang mga sugat ng biktima ay nanggaling sa ginamit na bolo.