-- Advertisements --

LA UNION – Sinariwa ni Mr. Crisanto Palabay ang masaklap na karanasan nito noong ideklara ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ang batas militar sa bansa noong Setyembre 21, 1972.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo La Union kay Palabay, sinabi nito na 17-anyos lamang siya at nasa pangalawang taon sa kolehiyo nang unang maaresto dahil sa pagiging aktibista nito.

Ikinulong ng halos anim na buwan sa Camp Olibas noong Oktubre 1972 at lumabas ng kulungan noong April 1973.

Pagkatapos ng mahigit na isang taon na pagkakalaya, muli siyang dinampot sa mismong plaza ng San Fernando, La Union galing ng Maynila, kung saan siya nag-aral.

Sa kanyang kuwento, agad siyang isinilid sa sako, dinala sa kampo ng Phil. Constabulary na ngayon ay Camp Diego Silang (La Union Police Provincial Command) sa Barangay Carlatan, San Fernando City at doon siya umano’y pinahirapan, hinubaran, kinoryente, pinalo sa talampakan hanggang sa mawalan ng ulirat.

Nang dalhin naman siya sa Camp Olibas, sinabi ni Palabay na muling nakaranas ito ng matinding torture at inilagay pa sa isang Solitary Confinement o bartolina.

Aniya, halos tatlong taon siyang nakulong noong panahon ng Martial Law at lumabas ng kulongan noong April 1977.

Aminado naman ito na ang kanyang pagkakaaresto ay may kinalaman sa kanyang pagiging aktibista.

Kabilang din siya sa mga nakatanggap ng kompensasyon mula sa nanalong class suit na isinampa ng halos 7,000 martial law victims sa Hawaii Court, sa tulong ni US human rights lawyer Robert Swift.