Hindi rin nakaligtas sa mas tumitindi pang kaguluhan ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine ang mga American journalist na kasalukuyang nasa Ukraine.
Ito ay matapos na masawi ang isang award-winning American journalist na si Brent Renaud, na kinilalang naging contributor sa pahayagang New York Times matapos itong barilin umano ng Russian forces sa Irpin, Ukraine.
Kinumpirma ito ng isang volunteer surgeon para sa Ukrainian territorial defence na si Danyloi Shapovalov at sinabing may dalawa pang journalists ang sugatan ngayon na kasalukuyan nang nagpapagaling sa isang pagamutan doon.
Ayon kay Kyiv Police Department Head Andrey Nebitov, nagpaulan ng bala ang tropa ng Russia sa isang kotse kung saan nakasakay ang nasabing mga biktima.
Samantala, sa isang statement ay nagpaabot naman ng pagdadalamhati at pakikiramay ang pamunuan ng naturang pahayagan sa pagkamatay ni Renaud kasabay nang paglilinaw na wala itong anumang assignment sa Ukraine para sa New York Times at ipinaliwanag na ang pagkalat umano ng mga naunang ulat na nagtatrabaho ito sa naturang pahayagan dahil sa suot nitong Times badge ay ibinigay lamang noon para sa isang assignment, maraming taon na ang nakakaraan.
Si Renaud ay isang Peabody Award-winning documentary filmmaker, producer, at journalist, na nanirahan at nagtrabaho sa New York City at Little Rock, Arkansas.