MANDAUE CITY – Hindi na nailigtas pa ng ina na kinalalang si Malou Pailden ang kanyang apat na taong gulang na anak na kasamang natupok ng apoy sa tinitirhang bahay sa Sitio Cadurong Suba Masulog, Barangay Basak, lungsod ng Lapu-Lapu, Cebu nitong Lunes.
Kinilala ni Fire Officer II Jeffrey Gerodias, fire investigator ng Lapu-Lapu City Fire District ang bata na si Candice Pailden kung saan ikinwento ng ina nito na natutulog lang ang bata ng biglang sumiklab ang apoy na nagsimula sa kanilang bahay at lumamon pa sa apat na katabing bahay.
Dagdag pa nito, bago matulog ang bata, nakita ng nanay na naglalaro ito ng posporo sa tinutulagan nitong kutson at ito ang itinuturong pinagmulan ng sunog.
Nang unang makita ni Malou ang sunog ay dali-dali nitong sinagip ang nakakabatang kapatid ni Candice na isang taong gulang pa lang palabas ng bahay.
Subalit ‘di na nakabalik ang ina para kunin ang naiwan na si Candice dahil lalo pang lumaki ang apoy.
Agad isinugod sa ospital si Malou dahil sa natamo nitong sugat at paso sa kanyang paa at likod.
Nangako naman ng financial at burial assistance si Lapu-Lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan para sa pamilya na namatayan ng anak.