-- Advertisements --

Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga kandidato para sa national na lebel, isang araw bago ang pagsisimula ng kanilang campaign period. Ito ay magsisimula bukas, Pebrero 11 at tatagal hanggang Mayo 10. Sa panahon na ito opisyal ng mga kandidato ang mga aspirante at maaari na silang magsimulang mangampanya. Sinabi ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na magkakaroon pa rin sila ng ‘Operation Baklas’ at mas papaigtingin pa ang kanilang kumite na ‘Kontra-Bigay’ sa panahon ng pangangampanya.

Ayon sa komisyon, patuloy pa rin ang kanilang ‘Operation Baklas’ para sa mga campaign materials na lalabag sa tamang sukat na itinalaga ng poll body. Kasama rin sa mga babaklasin yung mga campaign materials na hindi sa mga common poster areas nakapaskil. Ngunit, nilinaw ng komisyon na ang mga nakalagay sa mga private areas ay hindi nila ito gagalawin.

Tiniyak din ng tanggapan na mas papaigtingin nila ang kumite na kanilang inilunsad na ‘Kontra-Bigay’ kung saan babantayan nito ang mga posibleng vote buying at vote selling na lumaganap sa panahon ng pangangampanya. Dahil sa inilabas na Resolution 11104, maaaring ipagpalagay ng komisyon ang isang kandidato ay sangkot sa pagbili at pagbenta ng mga boto kung sila ay nakitaan ng kahina-hinalang mga aktibidad na may kinalaman dito.

Kaugnay nito, hinimok ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia ang mga botante lalo na ang mga kabataang botante o yung mga ‘first time voters’ na huwag tumanggap ng pera mula sa mga kandidato na sangkot sa pagbili ng boto at huwag din silang suportahan sa darating na halalan.

Paalala ng poll body na kung may makita na nag-eengage sa pagbili o pagbenta ng boto, i-report ito agad sa tanggapan upang maaksyunan agad.