CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang babae matapos na pagsasaksakin ng kanyang live-in partner sa kanilang inuupahang bahay sa Latorre South, Bayombong, Nuve Vizcaya.
Ang biktima ay si Venus Estranero, 51-anyos habang ang pinaghihinalaan ay ang kanyang kinakasama na si Morato Geralde, 49-anyos at kapwa residente ng nasabing barangay.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bayombong Police Station, bago ang pangyayari ay nag-aaway pa umano ang dalawa dahil nagseselos ang lalaki hanggang sa nakarinig na lamang ang kanilang mga kapitbahay ng sigaw mula sa babae na humihingi ng tulong.
Humingi ng tulong ang mga residente sa pulisya na agad namang pumunta sa lugar.
Pagdating ng mga pulis ay nakita sa bintana ng bahay ang duguang katawan ng biktima habang ang suspek ay may hawak na kutsilyo.
Sinipa ng mga pulis ang pintuan ng bahay upang ito ay mabuksan at pagkabukas ng pinto ay biglang sinugod ng suspek ang mga pulis kaya napilitan silang barilin ang pinaghihinalaan na tinamaan sa kanyang binti.
Ayon sa pulisya ilang araw na rin umanong palaging nag-aaway ang dalawa dahil sa pagseselos ng lalaki.
Hindi pa naman matiyak ngayon kung ilang saksak ang tinamo ng biktima ngunit batay sa kanilang obserbasyon ay halos may tama ito sa lahat ng bahagi ng kanyang katawan patunay na matindi umano ang galit ng pinaghihinalaan.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Bayombong Police Station ang suspek matapos na magamot sa pagkakabaril sa kanya ng mga pulis at inihahanda na ang kasong murder laban sa kanya.
Hinihintay naman ngayon ng pulisya ang permiso ng pamilya ng biktima upang isailalim sa autopsiya ang katawan nito.