BOMBO DAGUPAN – Galit at impluwensya ng alak.
Ito umano ang nagtulak sa isang babae sa bayan ng Villasis upang pagsasaksakin nito ang kaniyang kinakasama.
Ayon kay PCAPT. Richard Ibay ang syang Deputy Chief of Police ng Villasis Municipal Police Station, ang suspek na may alyas na Jenny, 37 anyos na residente ng Zone 5 brgy. San Nicolas, Villasis ay nahaharap ngayon sa kasong attempted homicide.
Naaresto ito sa bisa ng Warrant of Arrest para sa krimen ng Attempted Homicide sa ilalim ng Article 249 na may kaugnayan sa Article 6 ng Revised Penal Code na may inirekomendang bail bond na nagkakahalaga ng PhP36,000.
Ayon pa sa pahayag ni Ibay, naka-day off umano ang biktimang isang construction worker at nakikipag-inuman sa kaniyang mga pinsan at kaibigan nang sugudin siya nito ng suspek bandang tanghali noong araw na iyon at ipinahiya lamang umano ito ng kaniyang kinakasama.
Ito umano ang pinagsimulan ng awayan ng dalawa.
Bago pa puntahan ng suspek ang biktima ay lango na ito sa alak at nakisali pa sa inuman nila ng kaniyang kinakasama at maayos pa umanong umuwi ang dalawa sa kanilang bahay ngunit nang makarating sa kanilang tahanan ay dito na nagkaroon ng komprontasyon at dito na nangyari ang pananaksak.
Akmang magpapahinga na umano ang biktima dahil sa kalasingan nang kumuha ng kutsilyo ang suspek sa kanilang kusina at pinagsasaksak ang biktima na kung saan hindi na umano ito naprotektahan ang sarili dahil sa kalasingan at pagkagising umano ng biktima ay nasa ospital na ito.
Samantala, kasalukuyan naman ng nagpapagaling ang biktima sa kanilang tahanan habang ang suspek naman ay nasa kustodiya ng kapulisan para sa kaukulang disposisyon.