-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasunog ang isang bahay matapos na tamaan ng kidlat ang isang poste ng kuryente sa Oyaw, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 3 Joel Pua, Officer-In-charge ng Dupax Del Norte Fire Station, sinabi niya na nagkaroon ng kidlat at tinamaan ang poste na nagsanhi ng short circuit na pinagmulan ng apoy na tumupok sa bahay.

Malaking bahagi aniya ng naturang bahay ay gawa sa light material.

Aniya, mapalad na walang nadamay, nasugatan o nasawi sa sunog dahil nagkataon na walang tao sa loob ng bahay nang tumama ang kidlat.

Batay sa kanilang estimation umaabot ng mahigit P400,000 ang halaga ng nasunog.

Pinayuhan ng Dupax Del Norte Fire Station ang publiko na ugaliing ibaba ang safety switch o circuit breaker ng bahay tuwing may kidlat upang makaiwas sa kahalintulad na insidente.