-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nagbabala ang Philippines Institute of Volcanology and Seismology sa mga residente ng isang barangay sa bayan ng Nagbukel sa Ilocos Sur sa posible landslide matapos ang magnitude 7 na lindol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Brgy. Captain Joel Almazan ng Brgy. Cosocos, malaki umano ang posibilidad ng landslide kung bumigay ang lupa sa kabundukang bahagi ng kanilang barangay dahil sa malalaking bitak ng lupa matapos ang lindol noong nakaraang linggo.

Aniya, pinayuhan ng nasabing ahensya ang mga residente na magmatyag para sa kaligtasan ng mga tao at kung sakaling umulan na magtatagal ng dalawa hangga tatlong araw ay kaagad na lisanin ang kanilang barangay.

Ayon naman kay Nagbukel Mayor Timoteo “Tim” Cabrera, malaki umano ang posibilidad na maibaon sa lupa ang nasabing barangay kung magkaroon ng landslide sa nasabing lugar.

Sa ngayon patuloy ang pakikipag-ugnayan ni Almazan sa Local Government Unit sa mga hakbang na kanilang gagawin kung sakaling lumala ang sitwasyon at nakabalik na sa kanikanilang tahanan ang mga residente maliban sa apat na pamilya na pinili manatili sa kanilang mga kamaganak dahil hindi na pwedeng tirhan ang kanilang bahay.