-- Advertisements --

Na-rescue ng Philippine Coast Guard (PCG) Northeastern Luzon ang walong pasahero at crew ng MTUG IROQUIS MOL na sumadsad sa dalampasigang sakop ng Aparri, Cagayan sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Kristine.

Ang naturang barko ay namataang nakasadsad 300 meters ang layo mula sa dalampasigan ng Barangay Linao, Aparri, Cagayan.

Pinaniniwalaang tuluyan itong sumadsad sa mababaw na bahagi ng karagatan matapos itulak ng matataas na alon at malakas na hangin.

Ayon sa kapitan ng barko na si Nemecio Abique, maayos ang kondisyon ng lahat ng mga crew at tripulante kasunod ng pagsadsad ng kanilang barko.

Patuloy namang binabantayan ang kalagayan ng naturang barko habang nakasadsad sa dalampasigan.

Kapag bumuti na ang lagay ng karagatan at salig sa ilang inspeksyon, agad ding pababalikin sa dagat ang naturang barko, ayon sa Coast Guard.