BAGUIO CITY – Isinailalim sa state of calamity ang isang bayan sa Abra habang nadagdagan pa ang mga na-isolate na mga barangay doon dahil sa patuloy na nararanasang epekto ng habagat.
Ayon kay Abra PDRRM Officer Arnel Valdez, sa bisa ng isang resolusyon ay pormal na isinailalim ang bayan ng Licuan-Baay sa state of calamity.
Maliban dito, sinabi niya na marami ng mga isolated barangays sa mga bayan ng Malibcong, Lacub, Licuan Baay, Tubo, Manabo, Langiden, San Quintin, Sallapadan, Tineg, Lagayan at Pilar dahil sa pag-apaw ng tubig sa mga ilog.
Pahirapan din aniya ang pagdadala ng relief packs dahil kailangang idaan ang mga ito sa ilog.
Aabot na rin sa higit P88.4-M ang inisyal na danyos ng habagat sa sektor ng agrikultura at imprastraktura sa Abra.
Natagpuan na rin ang bangkay ng isa sa dalawang nawawala sa Abra matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig sa magkahiwalay ng insidente.
Natagpuan kaninang umaga sa gilid ng baybayin ng Santa, Ilocos Sur ang bangkay ni Joseph Barbosa Sr. na residente ng San Juan, Abra na unang napabalitang tinangay ng tubig ng Tineg River noon pang July 29.
Patuloy din ang paghahanap sa nawawalang mangingisda na si Jomar Turqueza mula San Juan, Abra na tinangay ng tubig ng Malanas River habang binabaybay nito ang nasabing ilog.
Samantala, sa buong Cordillera, umaabot na sa 15,811 na pamilya o 61,201 katao ang bilang ng mga apektado sa rehion dahil sa epekto ng habagat kung saan, 21 pamilya o 78 katao ang nananatili sa mga evacuation centers habang 324 pamilya na binubuo ng 1,390 katao ang lumikas sa kanilang mga kamag-anak, kapitbahay o mga kaibigan.
Umaabot na rin sa 35 na bayan at 246 na mga barangay sa rehion ang apektado ng masamang lagay ng panahon.