LAOAG CITY – Nakapulot ang mangingisdang si Fragante Patoc Jr., 41 taong gulang, ng isang bloke ng shabu sa dalampasigan ng Brgy. 33-B dito sa lungsod ng Laoag.
Aniya, nag-iipon siya ng kahoy alas-9:00 ng umaga nang mamataan niya ang pakete sa dalampasigan sa naturang lugar.
Inakala ni Patoc na ang napulot niyang pakete ay noodles kaya pinunit niya ang mga plastic na nakabalot dito at nang makita niyang shabu, ay agad niya itong ibinigay sa mga opisyal ng barangay.
Bukod sa inisyal na imbestigasyon, tinatayang nagkakahalaga ng P6,982,240.00 ang bloke ng shabu na tumitimbang ng 1026.8 grams.
Ayon kay Brgy. Chairman Rommel Asuncion ng Brgy. 33 – A Lapaz, na nakatanggap siya ng impormasyon na may nakuhang bloke ng shabu.
Aniya, nagkataong kasama niya ang isa sa mga otoridad na nakakita sa nasabing bloke ng shabu kung saan nakumpirmang kapareho ito sa mga nauna nang nasabat sa bayan ng Burgos at Pasuquin dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Samantala, nagpaalala ang barangay chairman sa mga residente ng naturang lugar na agad na tumawag sa Philippine National Police para i-report ang mga kahina-hinalang bagay.