-- Advertisements --

ROXAS CITY – Isinailalim sa preventive lockdown ang Barangay San Julian, Tapaz, Capiz matapos magpositibo ang isang miyembro ng militar sa coronavirus disease.

Kinumpirma ang balitang ito ni Tapaz Mayor Roberto ‘Nonong’ Palomar sa panayam ng Bombo Radyo.

Ayon kay Palomar, isang 25-anyos na sundalo ang nagpositibo sa naturang sakit na tubong bayan ng Dumalag ngunit pansamantalang nakatira sa nasabing barangay.

Ayon pa sa alkalde na pumunta ng Iloilo ang sundalo para sana sumailalim sa operasyon ngunit nakaramdam ito ng pangangati ng lalamunan kung kaya’t kaagad na isinailalim sa swab test.

Kasalukuyang nala-lockdown ang buong barangay ng San Julian upang mas mapadali ang gagawing contact-tracing.