Bibigyan ng isang buwang grace period ng pamahalaan ang mga hindi makakapag-consolidate na mga pampublikong jeepney sa bansa.
Makakabyahe pa rin ang mga pampasaherong jeepney na hindi makakapag consolidate sa bukas December 31.
Ayon kay DOTR office of Transportation Cooperatives Chairperson Jesus Ferdinand Ortega, iiral pa rin ang due process at bibigyan ng pagkakataon ang mga hindi nakapag-consolidate na makasunod sa proseso.
Aniya, may isang buwan o tatlungpung araw na grace period ang mga operator ng jeep para makatalima sa naturang programa.
Sa pagtatapos nito dedisyunan na aniya ang prangkisa ng mga transport operator sa bansa.
Samantala, naglatag na ng mga hakbang ang Department of Transportation para tugunan ang epekto ng pagsisimula ng PUV modernization program sa Enero.
Ayon kay Ortega naglabas na ng memorandum circular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa mga transport cooperatives.
Layon nito na mapunan ng mga kooperatiba ang mga mababakanting mga secondary na mga ruta.
Mabigyan aniya ng special permit ang mga nag-consolidate para makabyahe sila sa mga rutang tukoy ng LTFRB.
Dagdag pa niya na ito ay para masiguro ang maayos na pamamasada ng mga pampublikong sasakyan at ang pagsakay ng mga pasahero.
Bukod pa dito sinabi ni Ortega ang koordinisasyon sa MMDA, DILG at ang mga lokal na pamahalaan para maayos ang transition sa Enero a uno.
Sa ngayon naman aniya tuloy-tuloy ang dating ng mga operators na humahabol para makapag consolidate o makasama sa kooperatiba.