Natagpuan ng isang cleaner ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA-3) ang $18,800 na cash o halos isang milyong piso.
Ang naturang cash ay nakalagay sa pares ng gamit na medyas at nakita ito ng cleaner sa ilalim ng isang gang chair sa south wing ng NAIA-3 departure area
Kinilala ang cleaner na si Rosalinda Celero. Agad namang ibinalik ni Celero ang natagpuang pera sa lost and found section.
Agad namang sinuri ng mga security personnel ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga kuhang footage ng closed-circuit television sa lugar upang matukoy ang may-ari ng cash.
Palaisipan naman sa MIAA kung paano nakapasa sa security check ang mga naturang cash gayong pinapayagan lamang ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang isang pasahero na makapaglabas sa bansa ng hanggang $10,000.
Ayon sa MIAA, maaaring tinangka ng may-ari na ipuslit ang pera.
Kinilala naman ni MIAA general manager Eric Ines ang katapatan ni Celero.