Isang sunog ang sumiklab sa isang commercial building dito sa bahagi ng lungsod ng Maynila ngayong araw.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng kinauukulan, nag simula ang sunog dito sa Del Pan St. Manila, bandang 11:03 ng umaga at umabot nga ito ng 3rd alarm bandang 11:29.
Lagpas isang oras ang itinatagal nitong sunog at tuluyang naideklarang fire out bandang 12:25 ng tanghali.
Dagdag pa rito, ang estimated na total damage umano ay nasa halos 21 million pesos.
Ang nasa gusali kasi ay mga appliances at gadgets kaya ayon sa imbestigasyon ay mabilis na kumalat ang sunog.
Labing lima hanggang dalawampung empleyado ang apektado nitong sunog at ang isa nga ay naitalang nasugatan.
Ayon naman sa mga saksi ng nasabing pangyayari, mabilis raw talaga na lumaki ang sunog.
Nasa may bandang likod ng commercial building nag simula ang maliit na sunog hanggang sa lumaki ito ng lumaki.
Dagdag pa ng mga nakakita, mayroon raw silang narinig na pagsabog sa taas ng gusali.
Bukod sa commercial building na natupok ay nadamay rin ang ilang kabahayan sa tawid lang ng kalsada sa naturang insidente matapos tamaan ng mga tumalsik na debris nang dahil sa pagsabog at malakas na hangin.
Nasa halos 105 individuals ang apektado ng nasabing sunog.
Ayon pa sa ilang mga biktima, wala umano silang naisalbang gamit dahil agad silang nagsilabasan sa kanya kanyang bahay.
Si Rosemarie Mendizabal ay isa sa mga nasunugan, aniya, senior citizen ang kanyang asawa at may kasamahan pa siyang natutulog na bata kaya naman hindi na siya nag atubiling magdala pa ng gamit mula sa kanilang bahay, ang una niya nalang umanong ginawa ay isalba ang buhay ng kanyang pamilya.
Panawagan naman ng mga pamilyang nasunugan na sana raw ay matulungan silang makabangon muli.
Sa ngayon ang ilan ay wala pang matutuluyang bahay at tinitingnan pa ang mga gamit na pwede pang mapakinabangan sa kanilang natupok na mga bahay.
Pinagpupulungan pa sa ngayon ng may ari ng commercial building ang tulong na ipapa abot sa mga empleyado maging sa mga pamilyang nadamay ng sunog dahil sa mga tumalsik na debris mula sa pagsabog.
Sa ngayon ay patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng kinauukulan sa kung ano ang pinagmulan ng nasabing insidente.
Tatagal itong imbestigasyon ng apatnaput limang araw bago tuluyang maideklara ang totoong sanhi nitong sunog.