-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY Ipinaalam na sa pamilya ang pagkamatay ng isang construction worker matapos tamaan ng bato na nahulog sa rock fall netting na ginagawa sa bundok sa gilid ng kalsada sa Balbalan, Kalinga kaninang umaga kasabay ng naranasang pagyanig.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kay PCAPT Benjo Torres, hepe ng PNP Balbalan na nasa taas na bahagi ng ginagawang proyekto ang biktima na si Jefferson Bazar, 24, binata, tubong Tandang Sora, Quezon City ng mangyari ang lindol kung saan may gumulong na bato at siya ay tinamaan at nahulog sa mismong kalsada sa Sitio Bullalayao, Barangay Pantikian.

Sinabi ni Torres na nagtamo ng matinding sugat sa kanyang ulo dahil sa bato at sa kanyang pagkakahulog sa taas na nasa 20 meters.

Dinala pa ang biktima sa Balbalan West Hospital para sa paunang lunas at habang ibinabiyahe papuntang Kalinga Provincial Hospital sa Tabuk City ay binawian siya ng buhay.

Sinabi pa ni Torres na sugatan din ang anim na kasamahan ng biktima na tinamaan din ng mga tipak ng bato na ngayon ay nasa maayos ng kalagayan.

Samantala, sinabi ni Torres na pansamantalang isinara ang public market ng Balbalan matapos ang pagyanig dahil sa may bitak ang gusali at may nararanasan pang mga aftershocks ng lindol.

Samantala, sinabi ni Mayor Alfredo Malannag ng bayan ng Pasil, Kalinga na pansamantalang impassable ang Kalinga-Abra Road at Ableg section at Daldalakan, Malucsad-Magsilay Provincial road dahil sa mga landslide at rockslides.

Sinabi niya na gumagawa na sila ng hakbang upang agad na mabuksan muli ang mga nasabing kalsada.

Sa bayan naman ng Lagangilang, Abra, ang epicenter ng magnitude 7.3 na lindol, sinabi ni 1st Lt. Reymart Alicayus ng 24th IB na nakabase sa nasabing bayan na wala umanong naitalang nasira na ari-arian sa kanilang lugar.

Subalit, sinabi niya na may ilang gusali na nagkaroon ng pinsala sa ilang lugar sa Abra.

Bukod dito, sinabi niya na may mga dinalang mga sugatan sa mga ospital dahil sa lindol na karamihan ay ang mga nag-panic.

Ayon sa kanya, nagtalaga na sila ng mga tauhan na magbibigay ng tulong na kailangan ng mga naapektuhang mga lugar dahil sa malakas na lindol.