-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang isang construction worker matapos pagsasaksakin ng kainuman sa Brgy. Puttao sa bayan ng Solsona dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Kinilala ang biktima na si Ronald Daquioag, 56 anyos, walang asawa, residente ng Brgy. Juan sa bayan ng Solsona habang ang suspek ay kinilalang si Rodrigo Asuncion, 66 anyos, walang asawa, Quarry Caretaker at residente ng Brgy. 55 Salet sa lungsod ng Laoag.

Ayon kay Police Captain Randy Damo, Hepe ng Philippine National Police sa bayan ng Solsona, habang nag-iinuman ang biktima at ang suspek kabilang ang dalawang iba pa ay nagpaalam ang biktima na uuwi ngunit inalok pa ng suspek ng isang bote ang biktima pero tumanggi na ito.

Dahil dito, sabi nito na nagkainitan ang dalawa at dito na kumuha ng itak at kutsilyo ang biktima sa kanyang motorshift tricycle.

Batay aniya sa imbestigasyon, unang sinaksak ng biktima ang suspek sa kanang braso ngunit inagaw ng suspek ang kutsilyo sa biktima at sinaksak ito ng isang beses sa tiyan.

Dead on the spot ang biktima habang agad na tumakas ang suspek ngunit agad ding naaresto sa isinagawang hot pursuit operation.

Samantala, narekober sa pinangyarihan ang isang kutsilyo na may sukat na 36.5 sentimetro at isang itak na may sukat na 50 sentimetro.

Sa ngayon, kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police sa Solsona ang suspek at haharap sa kasong Homicide.